Cancer sa uterus

ANG cancer ay makikita sa mucous lining ng uterus o ng tinatawag na endometrium. Makikita rin ito sa muscle tissues ng uterus mismo. Karaniwang nagkakaroon ng cancer sa uterus ang mga nasa edad 40 hanggang 70.

Sintomas ng cancer sa uterus: Pagkakaroon ng spotting sa pagitan ng menstrual period; pagdurugo pagkaraan ng pagtatalik; abnormal na daloy ng regla na minsan ay malakas at may pagkakataong matagal bago tigilan ng regla. Ang mga postmenopausal women ay karaniwang nagkakaroon ng pagdurugo. Makararanas din ng abdominal cramping o pananakit ng tiyan.

Dahilan ng cancer sa uterus: Hindi malaman kung ano ang dahilan ng cancer sa uterus pero sa pag-aaral lumalabas na ang nagkakaroon nito ay mga babaing matataba, may hypertension, may diabetes at mga hindi pa nagkakaanak.

Gaano kabigat ang cancer sa uterus? Kung ang cancer ay nasa lining ng uterus (endometrium) ang five-year survival rate ay 85 percent. Kung ang cancer ay nakakalat na malalim na bahagi ng muscle layers ng uterus, 60 hanggang 70 percent na mabubuhay ng limang taon. Kung nakakalat na sa lymph nodes, ang cure rate ay mababa na.

Nakahahawa ba ang cancer na ito? Hindi.

Paano ang treatment sa cancer sa uterus? Depende ang treatment sa location at lawak ng cancer. Kadalasang ginagawa ang pagtanggal sa uterus, fallopian tubes, ovaries at ang mga nakapaligid na lymph nodes. Kapag nasa advanced stage na ang cancer, ang radiation theraphy ay ginagawa.

Paano maiiwasan ang cancer sa uterus? Hindi pa alam kung paano ito mapi-prevent. Sa pag-aaral tungkol sa uterine at endometrial cancer, lumalabas na ang matagal na paggamit ng estrogen ay inuugnay dito. 

Show comments