^

PSN Opinyon

HUDAS

REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. -

Ano ba talaga ang tunay na papel ng mambabatas bilang kinatawan nating botante? Sila ba’y ating tinig o ating konsiyensiya? “Si Cong. dahil madaling lapitan – tiyak ipaaabot sa Kongreso ang sentimyento ng distrito.” Kapag ganyan, malinaw na tinig o mouthpiece ang turing sa representante. Kung saan ang nakararami – doon na rin siya hahanay. Mayroon din namang naniniwala na napakasagrado ng bawat boto. Hindi basta ipagkakatiwala – kikilatisin ng husto ang programa at opinyon ng kan­didato. “Si Cong. tiwala ako sa paninindigan. Kapag nasa Kongreso na, kampante ako sa kanyang magiging desisyon”. Ang ganito bumoto, konsiyensiya ng kandidato ang inaasahan.

Sa isang demokrasya, hindi karaniwang nahihimay    ang nag-uumpugang pilosopiya sa pagboto dahil kada­lasa’y tugma naman ang posisyon ng kinatawan sa opinyon ng kinakatawan. Subali’t papaano kung taliwas sa kapas­yahan ng bayan ang pinapamalas na posisyon ng kinatawan?

Ang mga taong 2000 hanggang 2008 ay naghatid ng katakut-takot na pagkakataon sa mga mambabatas na ipakita ang tunay nilang kulay. Sa huling taon ni Erap at sa bawat taon ng termino ni Gng. Arroyo, bumaha ng maha­lagang isyung politikal na sumingil sa atin ng napakataas na buwis ng pagkamamamayan. Napilitan tayong harapin o hanapin ang ating paninindigan. Subalit malinaw man ang opinyon ng bayan, tila kontra posisyon lagi ang ating mga kinatawan. Halimbawa, sa Impeachment: Bayan – Yes!, Kongreso – No!; Cha-Cha: Bayan – No!; Kongreso – Yes!.

Ayon kay Edmund Burke – dapat lang isa­kripisyo ng kinatawan ang kanyang pagpa­pahinga at pagpapaka-saya. Laging i-una ang interes ng bayan bago ang sarili. Subalit ang kanyang opinyon, pag­pasiya, paninindigan at konsiyensiya, kailan­ma’y di dapat isakri­pisyo dahil ito’y hindi hango sa bayan, sa batas o sa Konsti­tus­yon. Ito’y bigay ng May­kapal at isang pagtak-sil sa atin imbes na pag­lingkod kapag ito’y si­nakripisyo sa ating instruksyon.

Tama sana si Burke. Kaya lang eh paano kung imbes na isakri­pisyo sa atin ay doon pala sinakripisyo sa altar ng katiwalian? Gift bag lang ba, Pork Barrel o additional staff  ang ipapalit sa ating tiwala? Nung panahon ni Hesus, may panga­lan para sa ganitong mga nananaksil. Kung ang ating tinulungan sa halalan ay dumidis­tansya kapag tayo ay nakikibaka na sa lang­sangan, bitiwan na natin sila.

Dahil hindi na natin sila kinatawan – iisa na lang ang kani­lang constituent at ito’y ang kanilang sariling inte­res.

vuukle comment

ATING

BAYAN

EDMUND BURKE

KAPAG

KONGRESO

SHY

SI CONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with