^

PSN Opinyon

Katarungan para kay Batman

DURIAN SHAKE -

MAGTATATLONG buwan na rin ngayong Marso 24 nang walang awang paslangin ang broadcaster na si Fernando “Batman” Lintuan ng hindi kilalang mga salarin ilang minuto pagkatapos ng kanyang daily program sa DXGO Aksyon Radyo dito sa Davao City noong huling Christmas eve.

Taimtim pa rin ang panalangin na sana magkaroon na rin ng katarungan ang kamatayan ni Batman alang-alang sa apat niyang anak na lubos na naulila pagkatapos na naunang namatay ang kanyang asawang si Nora dalawang taon na ang nakalilipas.

Ngunit ang katarungan na ‘yon ay tila mailap pa rin kahit pa na may murder charges nai-file laban kay Leonilo Larosa dito sa city prosecutors office.  Si Larosa ay isa ring blocktimer na broadcaster kagaya ni Batman at silang dalawa ay kapwa may programa sa iisang station sa DXGO.

Si Larosa ay unang inaresto ng mga National Bureau of Investigation (NBI) agents sa isang raid noong Enero 23 na kung saan ang nakasaad sa arrest warrant ay para sa hinalang illegal possession of firearms and explosives kuno.

Kinasuhan nga si Larosa ng illegal possession of firearms dahil sa nasabing raid ng NBI agents ay may nakuha sa kanya na isang Super .38 caliber revolver na umano’y ‘di lisensyado.

Subalit, hindi lang illegal possession of firearms ang sinampa kay Larosa dahil siya rin ay kinasuhan ng murder charges bilang gunman umano na pumaslang kay Batman. Ang naging basis ng NBI sa murder charges laban lay Larosa ay ang positibo umano na pagturo sa kanya ng isang teen-ager na witness na siya mismo kuno ang gunman.

Tinuturo rin si Larosa dahil umano sa alitan  sa pagitan nila ni Batman mga ilang linggo bago ito pinaslang.

Ayon sa abogado ni Larosa na si Atty. Ramon Edison Batacan ng tanyag na Batacan Montejo Vicencio Law Firm dito, mahina raw ang kaso ng NBI laban sa kanyang kliyente dahil sa mga inconsistencies ng NBI.

Unang sinabi ni Atty. Batacan na nag-testify umano ang dalawa pang testigo, na mag-ina, sa harap ng city prosecutor rito na hindi si Larosa ang nakita nilang pumaslang kay Batman.

Ang mag-ina na ito ay ang mga testigo rin na unang nagturo sa isang Oliver Antoc na siya kuno ang pumatay kay Batman. Ang mag-ina ay kinilala si Antoc sa isang police line-up noong December 29 na ginawa ng Task Force Batman na pinangunahan ng Criminal and Investigation Division Group (CIDG) na tinahasang mag-imbestiga sa kaso ni Batman.

Hindi natuloy ang pagsampa ng kaso kay Antoc dahil nga kulang ang ebidensiya at dahil na rin ang pangatlong witness ay hindi siya positibong tinuro.

At ang pangatlong witness na ito ay siya naman ang nagturo kay Larosa noong ginawang lineup sa NBI noong Enero 25.

Ayon kay Atty. Batacan maliban sa pagkaiba ng mga tinuturo ng mga testigo, tinanong din niya kung bakit hindi ginamit ng NBI ang testimonya ng mag-inang testigo sa kanilang kaso laban kay Larosa na kung tutuusin, ang dalawa ay testigo rin ng Task Force Batman.

Pangalawa, sinabi ni Atty. Batacan na kailangan ding patunayan ng NBI na nagpatanggal nga si Larosa ng buhay na nunal sa mukha para sabihing siya nga ang pumatay kay Batman. Ito ay dahil ang tatlong testigo, kasali na ang mag-ina at ang teen-ager na nasa poder ng NBI ay nagsabing ang gunman ay may nunal nga sa ibabaw ng kanyang bibig.

At isang punto pa ay ang nakuha na baril kay Larosa ay isang Super .38 caliber revolver at .45 caliber pistol na umano’y ginamit sa pagpaslang kay Lintuan.

Hindi ito sa pagpanig kay Larosa, ito ay mga tanong lamang sa kaso ayon sa mga nagaganap sa paghahanap ng hustisya para kay Batman. Kung tutuusin, marami pa talagang iba pang tanong sa paghabla ng NBI  kay Larosa ng kasong pagpatay kay Batman.

Ang tanong ay, ano ba talaga ang totoo?

Anyway, hinihintay na lang na maipalabas ng city prosecutors office rito ang resolution kung may sapat ba talaga na batayan ang kaso laban kay Larosa.

At hinihintay rin na makamit na talaga ang katarungan para kay Batman.

vuukle comment

BATACAN

BATMAN

KAY

LAROSA

NBI

RIN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with