Hindi umuunlad ang bansang walang paggalang sa batas

ANG problema ng bansa ay hindi ang kakulangan ng mga batas kundi ang pagpapahalaga at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas. Hindi na dapat magtaka kung bakit hindi umaasenso ang Pilipinas. Walang pagpapahalaga sa batas at hindi ipinatutupad.

Ang United States, Japan, Singapore at South Korea ay mahigpit ang pagpapahalaga sa kanilang batas. Respetado ng mga mamamayan sa mga nabanggit na bansa ang kanilang mga batas. Mahalaga ito para sa kanila kaya’t mahigpit na ipinatutupad nang walang kinikilingan.

Ang presidente ng South Korea ay ikinulong dahil sa corruption. Mahigpit ang pagpapatupad ng batas sa Singapore na kahit na mga impluwensiyal na tao ay hindi pinapalampas kapag nagkasala. Sa Japan ay may konsensiya ang mga mamamayan sapagkat sila na mismo ang nagpapakamatay kapag nahuling nagkasala. Ang mga Amerikano ay disiplina sa pagsunod sa batas.

Dito sa Pilipinas, huling-huli nang lumalabag sa batas, lulusot at lulusot pa rin. Maliwanag na walang respeto at disiplina ang mga Pilipino sa batas.

Hindi uunlad ang bansang ito kung walang pagmamahal at paggalang sa batas. Hindi aasenso ang ekonomiya kung hindi isasaalang-alang ang karapatan ng ating kapwa. Hindi magkakaroon ng kapayapaan ang kapaligiran kung babalewalain ang mga batas. Hindi kailanman gaganda ang takbo ng bansa kung walang paggalang sa batas.

Show comments