^

PSN Opinyon

"Pera sa basura sa San Pedro, Laguna..."

CALVENTO FILES - Tony Calvento -
NAGPUNTA SA AKING TANGGAPAN SA 5TH FLOOR CITY STATE CENTER BLDG., SHAW BLVD, PASIG CITY ANG ISANG RESIDENTE NG SAN PEDRO, LAGUNA.

Siya si Gng. Lorna Mansing ng Don Antonio, San Pedro, Laguna upang ireklamo ang patuloy na pagtapon ng basura sa kanilang municipality sa isang dump site. Mga basura hindi lamang galing sa bayan ng San Pedro, kundi mula pa sa Metro Manila at mga karatig na lugar ng Laguna.

"Ginawa ng tambakan ng basura ang aming bayan na lubhang nakakaapekto sa kalusugan ng mga taga rito lalung-lalo na ng mga bata," mariing sinabi ni Gng. Mansing.

Ang ganitong gawain ay malinaw na paglabag sa kautusang nakapaloob sa R.A. 9003 (ECOLOGICAL SOLID WASTE MANAGEMENT ACT OF 2000) at ng R.A. 8749 (PHILIPPINE CLEAN AIR ACT 0F 1999).

Sa pag-iimbestiga ng "CALVENTO FILES" aking napag-alaman na ang operasyon ng pagtapon ng basura ay ginagawa mga bandang alas-9:00 p.m., hanggang alas 3:00 a.m. araw-araw.

Nakakuha ako ng report mula sa mga residente ng Southpeak Homeowners Association na nagmonitor ng mga pagtapon ng basura na dumaraan sa R. Magsaysay at Fr. Masi Roads at Narra papunta sa open dumpsite sa pagitan ng mga oras na yun. Halos ISANG LIBONG TRUCK NG BASURA mula Lunes hanggang Linggo. Mga truck ng basura ng REN TRANSPORT at mga unmarked dump trucks ang dumaraan para itapon ang basura sa San Pedro, San Antonio dumpsite.

Ilang sulat na rin ang ginawa ng mga residente ng Filinvest Southpeak Homes na inerereklamo ang dalawang operators na nagtatapon ng mga basura sa San Antonio dumpsite ang Pilotage Trading and Construction company na ang may-ari ay si Mr. Danilo P. Miranda. Ang isa naman ay ang Good Earth Management Corporation na ang may-ari at ang namamahala ay si Calixto Cataquiz na dating mayor ng San Pedro at ang asawa ngayon ay ang Vice-Mayor ng San Pedro na si Baby Cataquiz. Grabe naman ito!

Ang dumpsite na pinag-uusapan ay halos apat na hektarya ang laki at nasa boundary ng Brgy. San Vicente at San Antonio malapit sa Biotech.

Hindi na bago ang isyung ito. Ang nakakainis lamang dito ay nag-isyu ng ang CEASE AND DESIST ORDER ang Department of Environment and National Resources subalit hindi naman daw ito pinansin diumano ng mga operators ng mga nagtatapon ng basura.

Nung kapanahunan ni Mayor Cataquiz sa San Pedro, ang daming mga factory at kumpanya ang kanyang ipinasara dahil sa paglabag sa Environment laws subalit ngayon na hindi na siya mayor (ang kanyang asawa naman ang Vice Mayor) sila mismo ang lumalabag sa mga batas ng kalinisan at kapaligiran.

"Malaking pera ang operasyon na ito kaya kahit na ang kalusugan naming mga taga-San Pedro ang pinag-uusapan, iniisantabi na lamang ito, matuloy lamang ang pagpanhik ng pera sa kanilang bulsa," ayon kay Gng Mansing.

Ano ang ginagawa ng aking kumpare at kaibigan na si Mayor Felicisimo "Fely" Vierneza? Mayor, last term mo na ngayon, ibalato mo na lang yan sa mga taga-San Pedro, ipasara mo ang illegal na dumpsite na yan. Linisin mo ang basurang itinapon nung termino mo!

Nabalitaan ko na sa 2007, pagbaba sa pwesto ni Mayor Vierneza si Baby Cataquiz na ngayo’y Vice Mayor ang nagbabalak tumakbong muli. Subalit teka muna, meron naman nagsabi sa akin na magka-come back si Calixto Cataquiz at siya muli ang tatakbong mayor ng San Pedro.

"Kapag nangyari ito, hindi lamang ang Brgy San Vicente at San Antonio ang gagawing dump site kundi ang buong Municipality na ng San Pedro," komento ni Admung na isang karpintero sa Pacita Complex.

Mr. Dave Miranda marami ka ng kinita sa pagtapon ng basura, tigilan na ninyo yan dahil ang mga basurang itinatapon ninyo ay nagiging sanhi ng iba’t ibang sakit. Uso pa naman ang Dengue ngayon.

Ang karamihan sa mga trucks na nakikitang nagtatapon ng basura ay galing sa Parañaque, Muntinlupa, Biñan. Sta. Rosa at Calamba.

Nakakaawa ang mga taong nakatira malapit sa lugar na yun, partikular na ang mga taga-Southpeak Homes na kung saan tuwing nagsusunog ng basura nagiging sanhi ito ng iba’t ibang respiratory diseases na dulot ng masamang amoy at usok mula sa dumpsite.

Bistado na rin ng mga taga roon ang ginagawang modus ng mga nagtatapon ng basura na inililipat ang mga basura na dala ng dump trucks mula sa ibang lugar sa dump trucks na may permit na magdala ng basura mula sa mga San Pedro authorities.

Sa puntong ito, sa tulong ng program namin ni Sec. Raul Gonzalez ng Department of Justice, "HUSTISYA PARA SA LAHAT" tuwing Sabado, alas siete hanggang alas otso ng umaga, ipararating namin personally ang problemang ito kay DENR Secretary Mike Defensor.

"I will bring this matter to the attention of Sec. Defensor in our next cabinet meeting so charges can be instigated against these unscrupulous persons," sabi ni Gonzalez.

Nananawagan ang mga taga San Pedro kay CONGRESSWOMAN ULIRAN JOAQUIN, na maki-alam na at tumulong. Baka siya ang makalutas sa mabahong isyung ito na bumabalot sa mga taga-San Antonio. KAYA MO YAN!

MAY PERA SA BASURA, IKA NGA. Subalit, ang pera ay hindi para sa mahihirap kundi para sa mayayaman na operators na nagtatapon ng basura sa bayan ng San Pedro, Laguna.

PARA SA INYONG LEGAL PROBLEMS, BIKTIMA NG KRIMEN AT KARAHASAN MAARI KAYONG TUMAWAG SA 638-7265 o MAGTEXT SA 09213263166. MAARI DIN KAYONG MAGTEXT DIRETSO KAY SEC. RAUL GONZALEZ, 09209672854.
* * *
E-mail address: [email protected]

vuukle comment

BABY CATAQUIZ

BASURA

MAYOR

PEDRO

SAN

SAN ANTONIO

SAN PEDRO

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with