Bakasyong may suweldo

KARANIWAN ang mga empleyado ay may karapatan sa vacation at sick leave. Kung hindi sila nagbabakasyon o kaya nag-aabsent dahil sa karamdaman, ang karapatang ito’y ibinibigay sa kanila sa pamamagitan ng pagbabayad ng suweldo katumbas ng kanilang naipon na leave bawat taon. Ngunit sa kaso nina Arsenio, hindi ganito ang nangyayari. Tunghayan natin kung bakit.

Si Arsenio at iba pang kasama niya ay nagtatrabaho sa isang malaking advertising company. Sa ilalim ng kanilang Collective Bargaining Agreement maraming benepisyo silang natatanggap, tulad ng karapatan nilang bayaran pa rin ang suweldo kung magbabakasyon o mag-aabsent dahil nagkakasakit. Ngunit noong medyo sumama ang negosyo ng kumpanya dahil sa paghina ng ekonomiya ng bansa, sapilitang pinagbakasyon sina Arsenio ng halinhinan na tumagal ng 15, 30 o 45 na araw. Bagamat binabayaran ang suweldo nila kahit nakabakasyon, napag-alaman nila na ito pala’y ibinabawas sa naipon nilang vacation leave. Ayon sa kanila, hindi raw dapat bawasan ito ng kompanya dahil hindi naman sila talaga kusang nagbakasyon. Tama ba sina Arsenio?

Mali.
Hindi naman maikakaila na nagkaroon ng krisis sa ekonomiya ng bansa. Tanging karapatan lang ng tagapamahala ng kompanya na gumamit ng ganitong paraan upang malunasan ang sitwasyon. Hindi masasabing ito’y hindi makatwiran para sa mga empleyado dahil nasa peligro talaga ang katayuan ng kompanya dahil na rin sa peligrong kondisyon ng ekonomiya ng bansa. Kaya tama lang na bawasin ang mga sapilitang bakasyong ito sa naipong bakasyon nila Arsenio. (Phil. Graphic Arts vs. NLRC 166 SCRA 118)

Show comments