Coed nanlaban sa rapist, kritikal sa saksak
MANILA, Philippines — Kritikal umano ang lagay ng isang 19-anyos na babaeng college student matapos na pagsasaksakin nang pumalag sa lalaking nagtangkang humalay sa loob ng tinutuluyan nitong kuwarto sa Brgy. Nazareth, Cagayan de Oro City, nitong Lunes ng madaling araw.
Sa ulat ng Cagayan de Oro City Police, dakong alas-2:00 ng madaling araw nang pasukin ng suspek na si alyas “Andro”, 46, maintenance ng compound ang inuupahang kuwarto ng biktima na kasalukuyang mahimbing na natutulog.
Naalimpungatan ang biktima nang maramdaman ang panghihipo sa maselang bahagi ng kaniyang katawan ng suspect at pagsibasib ng halik dito.
Nanlaban ang biktima na itinulak ang suspect na umano’y nasa impluwensya ng alak at nagawang makasigaw sa paghingi ng saklolo pero nagawa itong mahabol ng suspect na pinagsasaksak nang sunud-sunod.
Ang biktima ay mabilis na isinugod sa pagamutan kung saan patuloy na isinasalba ang buhay nito sa tinamong mga saksak partikular na sa kaniyang leeg at dibdib.
Sumaklolo naman ang ilang residente at iba pang mga sibilyan kung saan nasukol ang suspect bago pa man ito makatakas.
- Latest

















