De Lima, kakatawan sa oral argument sa 2/3 votes sa impeachment court

MANILA, Philippines — Isasabak ng prosecution panel si Rep. Leila de Lima, dating Kalihim ng Department of Justice (DOJ) at miyembro ng Mamamayang Liberal (ML) Partylist, sa oral argument hinggil sa interpretasyon ng two-thirds voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
“I understand that it will be Congresswoman Leila de Lima,” pahayag ni House prosecutor Jose Manuel “Chel” Diokno ng Akbayan Partylist.
Binigyang-diin ni Diokno na bagaman may posisyon ang prosecution panel sa isyu ng voting threshold, kinikilala nila ang kapangyarihan ng Senate Impeachment Court na resolbahin ito at irerespeto ang magiging ruling.
Inaasahang lilinawin sa oral argument kung ang threshold ay dapat manatili sa 16 mula sa kabuuang 24 senador, o ibabatay sa aktwal na bilang ng mga senator-judges na dumadalo sa paglilitis. Sa kasalukuyan, 20 lamang ang nakikilahok dahil nakakulong sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Jinggoy Estrada sa kasong plunder, nagtatago si Sen. Ronald “Bato” de la Rosa, at naka-medical leave si Sen. Loren Legarda.
Ayon kay Diokno, mahalagang isaalang-alang ang legal na opinyon ng mga amici curiae o mga retiradong Chief Justice ng Korte Suprema.
Sina Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban, at Reynato Puno ay nagsabing dapat ibatay ang pagboto sa mga aktwal na nakikilahok sa impeachment trial, yaong nakapakinig sa ebidensya at testimonya.
- Latest


















