Mag-asawa tiklo sa tinangay, isinanlang kotse
MANILA, Philippines — Himas rehas ngayon ang mag-asawang tumangay at nagsanla ng kotse na ipinabebenta sa kanila matapos na madakma ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa lungsod.
Ayon kay QCPD Acting Director, PCol. Randy Glenn Silvio, ipinagkatiwala ng biktima ang kanyang Toyota Vios kay alyas “Ferdinand” sa ilalim ng conditional sale agreement sa Mindanao Avenue, Rock Plaza, Brgy. Tandang Sora, Quezon City.
Subalit, nabigo ang suspek na bayaran ang kanilang napagkasunduan kaya naman ini-report ng biktima sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa ilalim ni PLt. Col. Hector Ortencio.
Agad kumilos ang mga operatiba ng DACU sa impormasyon mula sa isang confidential informant at nakita ang Toyota Vios na nakaparada sa harap ng bahay ni alyas “Boyet” sa San Antonio, Quezon.
Inamin naman ni Boyet sa mga awtoridad na isinangla sa kanya ni alyas “Phia” at “Ferdinand” ang sasakyan noong Hulyo 19, 2025.
Nang malaman na ninakaw ang sasakyan, nakipagtulungan si Boyet sa mga awtoridad at boluntaryong isinurender ang sasakyan.
Nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10883 (Bagong Anti-Carnapping Law of 2016) ang mga suspek.
- Latest




















