2 ‘Korean’ patay sa tandem sa Malate
MANILA, Philippines — Dalawang hinihinalang dayuhang ‘Korean’ national ang kapwa nasawi nang pagbabarilin matapos na pagnakawan ng hindi pa nakilalang riding-in-tandem sa Malate, Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat ng Manila Police District-Homicide Section, walang nakuhang pagkilanlan o identification cards ang mga biktimang inilarawan ang isa sa 30-35-anyos, nasa 5’5 ang taas, nakasuot ng itim na t-shirt, itim na shorts, may tattoo na Dragon sa likod at nakasuot ng itim na sapatos; habang ang isa pa ay nasa 25-20 anyos, 5’4 ang taas, nakasuot ng green t-shirt , puting shorts at sapatos.
Patuloy pa ang backtracking at imbestigasyon para matukoy at matunton ang dalawang lalaking armado ng baril na magka-angkas sa motorsiklong SkyDrive na may kumbinasyong asul at puti.
Naganap ang insidente alas-10:40 ng gabi ng Agosto 15, 2025, sa Malvar St., harapan ng Sheraton Manila Bay, sakop ng Barangay 699, Malate, Maynila. Natangay ang sling bag ng mga biktima na naglalaman umano ng cash, cellular phones at iba pang gamit.
Nabatid na mabilis naman ang responde ng mga pulis dahil sa pag-iikot ng mga tauhan ng TMRU at Ermita Police Station sa pangunguna ni P/Lt. Colonel Alfonso Saligumba subalit nadatnan na wala ng buhay ang dalawang biktima na nakabulagta sa kalye.
Batay sa sinabi ng mga saksi at kuha ng CCTV, ang mga biktima kasama ang isang tour guide ay bumaba ng taxi at biglang nilapitan ng riding-in-tandem. Isa ang humablot ng bag at ang isa ay walang habas na pinaputukan ang dalawang biktima. Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.
- Latest
























