Number coding, suspendido sa Nobyembre 2
MANILA, Philippines — Suspendido ang number coding scheme sa Metro Manila sa Lunes, Nobyembre 2, dahil sa paggunita ng All Souls’ Day na idineklarang special non-working holiday, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon sa MMDA, awtomatikong walang number coding tuwing regular at special non-working holidays.
Samantala, nagsagawa ng inspeksiyon ang MMDA, sa pangunguna ni Chairman Atty. Don Artes, sa mga bus terminal sa Cubao, Quezon City, upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya ngayong Undas 2026. Kabilang sa mga sinuri ang Five Star, Baliwag Transit at Genesis Transport Services.
Nakiisa sa inspeksiyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na nagsagawa ng random drug testing sa mga bus driver. Nag-deploy din ang MMDA ng mga traffic enforcer mula sa EDSA Special Traffic and Transport Zone (STTZ) upang makatulong sa pamamahala ng trapiko sa paligid ng mga terminal.
Nakaantabay naman ang MMDA-Road Emergency Group (REG) upang rumesponde sa mga biyaherong mangangailangan ng tulong medikal.
- Latest




















