LTO sinuspinde ang driver’s license sa motorcycle dancing show

MANILA, Philippines — Sinuspinde ng 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng isang rider sa viral motorcycle dancing show sa gitna ng malalang daloy ng trapiko sa isang pampublikong kalsada sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay LTO Chief Vigor Mendoza II, napadalhan na ng ahensiya ng show cause order (SCO) ang rider at registered owner ng motorsiklo na nag viral sa social media.
Sa social media post, ang rider na taga Binondo, Maynila ay tumayo at nagsasayaw sa ibabaw ng upuan ng motorsiklo habang naiipit sa matinding traffic.
Ikinagulat naman ito ng mga motorista na napalingon sa nasabing driver na nag-dancing show. Ang insidente ay nag-viral matapos isang netizen ang kunan ito ng video at ipost sa social media.
Ayon kay Mendoza, nasuspinde na ng 90 araw ang driver’s license ng nasabing rider at ipinasu-surrender ito bago ang itinakdang pagdinig sa kaniyang kaso sa Agosto 20.
Nakasaad sa SCO na ipaliwanag ng rider kung bakit hindi ito maaaring maparusahan kaugnay nang hindi magandang inasal habang nasa lansangan.
Kung hindi umano darating ang rider sa itinakdang hearing ay mapipilitan ang LTO na magdesisyon sa kaso batay sa nakitang ebedensiya laban dito.
- Latest


















