MRT-3, nagka-signaling issue; nagpatupad ng speed limit

MANILA, Philippines — Napilitang magpatupad ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng speed limit sa kanilang biyahe, bunsod ng dinanas na signaling issue kahapon ng umaga.
Sa abiso ng MRT-3 dakong alas-9:42 ng umaga, sinabi nito na nagpatupad sila ng hanggang 30 kilometer per hour (kph) lamang na bilis mula Ortigas Station hanggang Cubao Station (northbound) matapos na magkaroon ng signaling issue sa Santolan Station.
Dagdag pa nito, “Technical personnel are already on-site conducting troubleshooting.”
Ang naturang insidente ay nagresulta sa paghaba ng pila ng mga pasahero, na agad namang inihingi ng paumanhin ng MRT-3.
Kaagad din namang naisaayos ang problema, at pagsapit ng alas-10:28 ng umaga ay naibalik din sa normal ang operasyon ng MRT-3.
Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City.
- Latest


















