Mga drone, cellphone ipinamahagi sa QCPD
MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng Modernization Thrust ni Philippine National Police (PNP) chief, PGen. Nicolas Torre III, pinangunahan ni Quezon City Police District (QCPD) Acting Director PCol. Randy Glenn Silvio ang pamamahagi ng 17 unit ng mga drones pati na rin ng 32 unit ng cellular phones sa lahat ng police station sa lungsod nitong Biyernes ng hapon.
Ipinamahagi ni Silvio ang DJI MINI 3, MINI 4, MINI 4 PRO, at DJI NEO drones, pati na rin ng 32 HONOR cellular phones na may kasamang SIM cards, para sa mga Police Stations 1 hanggang 16 at District Mobile Force Battalion (DMFB) na isinagawa sa QCPD Conference Room. Gagamitin ang mga bagong drones sa patrol operations upang mapahusay ang situational awareness sa pamamagitan ng aerial surveillance, lalo na sa mga police operations, emergency response, at malalaking pampublikong pagtitipon.
Bilang suporta sa paggamit ng mga ito, isasagawa ang isang 5-day Tactical Drone Operators Training mula Agosto 4 hanggang 8, 2025, para sa mga itatalagang drone operators mula sa iba’t ibang estasyon.
Samantala, ang mga cellular phones ay layong palakasin ang monitoring at real-time communication ng mga patrollers sa field. Magiging daan ito sa mas mabilis na koordinasyon at agarang pagtugon sa mga insidente, alinsunod sa hangarin ng QCPD na mapanatili ang swift and responsive public service.
- Latest






















