Babaeng dalaw sa NBP tiklo sa droga sa ari
MANILA, Philippines — Sa kulungan ang bagsak ng isang babae na bibisita sa kaniyang pinsang nakapiit sa New Bilibid Prison (NBP) nang madiskubreng may nakaipit na isang tube na naglalaman ng iligal na droga, sa pagdaan nito sa “strip cavity search”, sa Medium Security Camp, sa Muntinlupa City, nitong Linggo.
Bigong mailusot ng dalaw na si Wilmar Castro, residente ng Rosario, Pasig City, ang dalang kontrabando sa matinik na female searcher na si Correction Officer 1 Everlyn Mary Pingian.
Sa ulat ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Pio Catapang Jr., habang dumaraan sa body search ang suspek na si Castro, napansin ni Pingian na may nakasiksik sa kaniyang private part, dahilan upang atasan ito na mag-squat ng ilang ulit, kaya nahulog ang tube.
Nadiskubre ang nakasilid na plastic sachet sa tube na hindi pa tukoy na timbang ng pinaniniwalaang shabu.
Inaresto si Castro at itinurn-over sa Muntinlupa City Police Station kasama ng nasamsam na droga.
Samantala, ikinatuwa ni Catapang ang ginawa ni Pingian, at agad binigyan ng spot promotion bilang Correction Officer 2. Isa aniyang magandang halimbawa at dapat pamarisan si Pingian na hindi lamang basta nagtatrabaho kundi ginagampanan ng maayos ang tungkulin.
- Latest