Pagsasara muna ng Dolomite Beach, ikinokonsidera ng DENR
MANILA, Philippines — Ikinokonsidera na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagsasara muna ng Dolomite Beach sa Manila Baywalk hanggang sa makumpleto na ang expansion nito.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, malaki ang posibilidad na kahit matapos na ang Undas ay manatili pa ring sarado ang naturang beach.
Maging ang kumpleto na aniyang bahagi ng Dolomite Beach ay plano rin munang isara ng DENR habang ipinagpapatuloy ang konstruksiyon sa iba pang bahagi nito.
Matatandaang ipinag-utos na ng DENR, alinsunod sa direktiba ng IATF, ang pagsasara ng Dolomite Beach simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre.
Layunin nitong maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa panahon ng Undas.
“There’s a possibility that after Undas, they will still keep the Dolomite Beach closed until such a time that they are complete with the expansion,” ani Malaya.
Una nang umani ng batikos ang DENR matapos dagsain ng libu-libong tao ang Dolomite Beach noong nakaraang weekend.
- Latest