LRT-2, may libreng sakay din sa Araw ng Kalayaan
MANILA, Philippines — Maging ang pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ay nag-anunsiyo na rin na magkakaloob sila ng libreng sakay sa publiko sa Miyerkules, Hunyo 12, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.
Ayon sa anunsiyo ng Light Rail Transit Authority (LRTA), maaaring i–avail ng mga pasahero ang libreng sakay mula alas-7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga at mula alas- 5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi, sa naturang petsa.
“Gunitain ang ating kalayaan sa mga makasaysayang lugar. Sakay na!” bahagi ng anunsiyo ng LRTA.
Una nang nag-anunsiyo ang Department of Transportation (DOTr) na magbibigay ng libreng sakay ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), gayundin ang LRT Line 1 (LRT-1), sa kahalintulad na oras sa Independence Day.
- Latest