P14-million party drugs nasamsam sa condo sa Quezon City
MANILA, Philippines — Nagkakahalaga ng P14 milyon na party drugs na ecstasy at iba pang bawal na gamot ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa naaresto nilang drug suspect na miyembro ng isang drug ring na nag-o-operate sa Metro Manila, sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City, kahapon ng umaga.
Nakilala ang suspek na si Evetee Tividad, na nadakip dakong alas-8:30 ng umaga.
Nauna rito, nagkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad laban kay Tividad sa 2516 Studio A Condominium, Xavierville Ave, corner Esteban Abada, Brgy. Loyola Heights.
Nagresulta naman ang operasyon sa pagkakakumpiska sa 3,500 piraso ng ecstasy tablets o may timbang na 2.5 kilos at may street value na mahigit sa P5.25 milyon; 2.5 kilos ng kush (high grade marijuana) na may street value na mahigit P3,750,000.00 at 25 litro ng liquid ecstasy na may street value na mahigit P5 milyon.
Natuklasan din ng mga awtoridad na si Tividad ay miyembro ng isang criminal gang na sangkot sa drug trafficking at nag-ooperate sa buong Metro Manila.
- Latest