2 ‘kotong’ cops timbog sa entrapment
MANILA, Philippines - Naaresto ng mga elemento ng Counter Intelligence Task Force (CITF) ang dalawang ‘kotong’ sa isinagawang entrapment operation sa Payatas Road, Quezon City, kahapon.
Kinilala ni CITF Commander Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo ang mga nasakoteng suspect na sina PO3 Anthony Tecson at SPO2 Raul Nadera, kapwa nakatalaga sa Traffic Division ng Quezon City Police District.
Ang mga suspek ay kabilang sa siyam pang mga suspek na mga empleyado ng Quezon City Hall Traffic Division na nagsasagawa ng random smoke belching test sa mga motorista.
Bandang ala-1:50 ng hapon, ayon sa opisyal ng magsagawa ng entrapment operation ang kaniyang mga tauhan na nagresulta sa pagkakabitag sa dalawang kotong cops.
Nabatid na nakatanggap ng mga reklamo ang CITF laban kina Tecson at Nadera kaya agad nilang isinagawa ang entrapment operation kung saan hindi na nakapalag ang mga ito sa kanilang mga operatiba. Ayon kay Malayo, kasabwat ng mga suspect ang mga empleyado ng Quezon City Traffic Division na nangongotong sa mga motorista.
Sinabi ni Malayo na pinapara ng mga suspect ang mga motorista at tinatanong kung sasailalim sa smoke belching test saka iisyuhan ng traffic investigation report o maglalagay na lamang ang mga ito. Nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo ang mga nasakoteng suspect.
- Latest

















