Naaagnas na bangkay ng ginang, natagpuan
MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang may limang araw ng patay ang isang ginang nang madiskubre ang kanyang naaagnas nitong bangkay sa loob ng kanyang bahay sa Barangay Little Baguio, San Juan City.
Batay sa ulat ng San Juan City Police na nakarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director P/Chief Supt. Romulo Sapitula, dakong alas-10:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng biktimang si Necitas Tan, nasa hustong gulang, sa loob ng kanyang bahay na matatagpuan sa 294 Jose Abad Santos St., Barangay Little Baguio.
Nauna rito, nakaamoy umano ng masangsang ang mga kapitbahay ng biktima mula sa bahay, kung saan mag-isang naninirahan si Tan kaya’t kinatok ngunit wala namang sumasagot.
Naghinala ang mga kapitbahay na may masamang nangyari kay Tan, kaya’t kinontak nila ang anak nitong si Veronica Paredes, na siya namang humingi ng tulong sa mga pulis.
Pinuntahan ni SPO1 Dennis Ramos ng San Juan Police at mga barangay officials ang tahanan ni Tan at binuksan ngunit bumulaga sa kanila ang bangkay ng biktima.
Sa ulat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), posibleng may limang araw nang patay ang biktima dahil sa pagkaagnas na ng katawan nito.
Iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang insidente upang matukoy ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.
- Latest