Bus ginulantang ng bomb scare

MANILA, Philippines - Lumikha ng tensiyon at takot sa mga pasahero ng isang bus ang isang kahina-hinalang kahon na hininalang bomba kahapon ng umaga sa Lawton, Maynila.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng MPD-Explosive and Ordnance Division (MPD-EOD) at ibi­naba ang kahon mula sa Tas Trans (TYR-499) at i-dinetonate ang hininalang bomba.

Nakasaad sa kapirasong papel ang “Huwag galawin ang cellphone, pag ginalaw ninyo iyan, isang pindot ko lang sasabog na iyan” na nasa likurang bahagi ng na­sa­bing pampasaherong bus na may body number na 8340.

Ayon kay Julieto Miranda, driver ng bus, pagka­baba ng kanilang mga pasahero sa Lawton, inutusan niya ang kanyang konduktor na tingnan ang mga upuan ng pasahero sa posibilidad na baka may naiwang gamit at kung may naiwan iniutos niya na dalhin sa kanilang opisina.

Pagdating sa likurang ba­hagi ay napansin ng konduktor ang nakapatong na cell­phone sa isang maliit na kahon at may nakaipit na papel.

Kaagad naman humingi ng tulong sa pulisya si Miranda upang matiyak kung bomba nga ang laman ng kahon.

Gayunman, nang buksan ng mga tauhan ng Manila Po­lice District-Explosive and Ordnance Division (MPD-EOD), nadiskubreng buhangin lang ang laman ng kahon.

Show comments