Rehabilitasyon ng LRT 1, sisimulan na

MANILA, Philippines - Umaasa ang Light Rail Transit Authority (LRTA) na mauumpisahan na ang rehabilitasyon ng 30-taong gulang na LRT Line 1 sa darating na Marso upang mapataas ang kalidad ng serbisyo at seguridad ng milyong pasahero nito.

Sinabi ni LRTA spokesman Hernando Cabrera na limang lokal na korporasyon at isang dayuhang kompanya na ang nagpahayag ng pagsali sa bidding para sa P1.06 bilyong kontrata sa naturang rehabilitasyon.

Kabilang dito ang DM Consunji Inc. (DMCI), Pilipinas Hino Inc., Jorgman Development and Planning Corp., Jora­tech Corp. at Miescorrail Inc. ang mga lokal na kompanya habang Japanese industrial giant Sumimoto Corporation ay nagpaha­yag din ng interes sa proyekto.

Nabatid na may limang bahagi ang planong rehabilitas­yon sa LRT Line 1 na inumpi­sahan ang konstruksyon noon pang taong 1981 sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Unang isasagawa ang pagpapalit sa mga luma nang riles na may habang 23 kilo­metro mula Baclaran hanggang Monumento.

Ikalawang bahagi ang pagpa­palit ng mga may sira nang “anchor bolts” na siyang sumusuporta sa “overhead cables” na nagbibigay ng elek­trisidad para mapaandar ang mga tren na nagkakahalaga ng P150 milyon.

Ikatlong bahagi naman ang rehabilitasyon ng 21 units ng light rail vehicles (LRVs) o mga bagon at ng “chassis” ng mga ito na gagastos ng P150 milyon at restorasyon ng 14 pang units na may halaga namang P197 milyon.

Uumpisahan ang pagpapalit ng riles mula sa Abad Santos Station hanggang Bac­laran at saka isusunod ang mula R. Papa station hanggang Monumento. Tiniyak naman ni Cabrera na hindi maaapek­tuhan ang transportasyon ng kanilang mga pasahero dahil sa gabi naman nila isasagawa ang pagpapalit ng mga riles.

Show comments