Inarestong pulis sa shootout positibo sa gun powder
MANILA, Philippines - Positibo sa gun powder ang pulis na napaulat na nagmamay-ari ng tindahan ng paputok kung saan naganap ang pag-ambush at pagkamatay ng isang miyembro ng pulisya sa lungsod Quezon kamakailan.
Ayon kay Chief Insp. Rodel Marcelo, hepe ng Quezon City Police District’s Criminal Investigation and Detection Unit, dahil dito, nangangahulugan lamang anya na si PO1 Faizal Mala ay nagpaputok ng baril nang mangyari ang pag-atake sa Fairview noong Huwebes.
Dagdag ni Marcelo, ang nasabing ebidensya ay isusumite nila bago ang gagawing pagdinig sa piskalya sa mga reklamo laban kay Mala.
Base sa report ni Chief Inspector Maridel Rodis, hepe ng chemistry section ng QCPD Crime Laboratory, ang Pietro Baretta pistol ni Mala ay pinaputok din.
Sinabi ni Marcelo, ang nasabing pistola ay posibleng service firearm ni Mala. Hindi naman nagprisinta ng anumang papeles si Mala kaugnay sa nasabing baril.
Si Mala ay sinampahan ng kasong murder, frustrated murder, illegal possesion of fireams at paglabag sa Republic Act 7183, ang batas para sa pagre-regulate sa paggawa, pagbebenta, pamamahagi at paggamit ng paputok sa Quezon City Prosecutor’s Office noong Biyernes ng gabi.
Ang kapatid ni Mala na si Hanna Maoten-Shiekdugar, ay isinailalim na rin sa inquest proceedings sa kasong illegal possession of a knife at paglabag sa RA 7183.
Nitong nakaraang Huwebes nang mangyari ang ambush na ikinasawi ni PO2 Bernardo Quintero at pagkasugat ni PO2 Jessie Adajar.
Nagsagawa sana ng pagsisiyasat ang tropa ng QCPD-Station 5 sa tindahan ng iligal na paputok sa North Fairview na iniulat na pag-aari ni Mala.
Naniniwala si Marcelo na pinaghandaan ng mga suspect ang pagbalik ng mga awtoridad dahil una nang sinalakay ito bago ang pag-ambush.
Dagdag ng opisyal, gumamit ang mga suspect ng matataas na kalibre ng armas tulad ng armalite at carbine rifles, at iba pa, at nasa “combat position” na rin ang mga ito nang targetin ang mga awtoridad.
Pinaghahanap pa ng awtoridad ang apat pang suspect, kung saan isa sa mga ito ay kapatid umano ni Mala.
- Latest
- Trending