Barbero binistay ng bala ng kostumer

MANILA, Philippines - Patay ang isang barbero makaraang pagbabarilin ng isang nagkunwaring kostumer dahil sa matagal na umanong alitan sa negosyo sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Ferdinand Caling, 31, ng Bldg. I, Area 3, Bahay Caridad, Bayani St., Brgy. Doña Imelda sa lungsod. Natukoy naman ang suspect na si Francisco Franco, alyas Jun. Nangyari ang insidente sa loob ng Magic Touch Salon and Barber Shop na matatagpuan sa bahay ng biktima pasado alas-6 ng gabi.

Ayon kay Jomel dela Cruz, bago ang insidente, nasa loob umano sila ng barber shop ng dumating ang suspect at nagkunwaring magpapagupit. Nang mga sandaling iyon ay natutulog ang biktima kaya naman ginising ito ni Dela Cruz para gupitan ang suspect.

Matapos ay nagpaalam si Dela Cruz na lalabas sandali para bumili ng pagkain, hindi pa umano siya nakakalayo ay nakarinig na lang umano siya ng mga putok ng baril.

Agad na bumalik si Dela Cruz sa lugar kung saan naabutan na lang niya ang biktima habang duguang hawak ng kanyang kinakasamang si Rowena saka humingi ng saklolo sa pulisya.

Nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa ulo at isa sa dibdib na siyang agad na ikinamatay nito.

Sinasabing dati umanong nagtatrabaho sa barber shop ng suspect ang biktima at ayaw ng unang paalisin ito, hanggang sa magtayo na rin ang huli ng sariling barber­ shop sa kalapit na shops ng una na naging ugat ng namuong alitan sa pagitan nila.

Show comments