P1 na namang pagtaas sa presyo ng petrolyo, umariba

MANILA, Philippines - Dalawang araw pa lamang ang nakalilipas, agad na sinundan ng kompanyang Chevron Philippines ang pagtataas sa presyo ng kanilang mga produkto makaraang magdagdag ng P1 sa kada litro kaninang madaling-araw.

Sa mensaheng ipinadala ni Toby Nebrida, tagapagsalita ng Chevron, dakong alas-12:01 ng madaling-araw nagsimula ang pagtataas ng P1 kada litro sa lahat ng kanilang produkto kabilang ang Gold (premium), silver (unleaded), diesel at kerosene.

Ang naturang pagtataas ang ikalawang bahagi ng oil hike na ipinatupad nitong nakaraang Martes. Nauna nang nagtaas sa P1.25 sa presyo ng gasolina na dapat sana’y P2 kada litro. Napakiusapan ng Department of Energy ang mga kompanya ng langis na kalahati lamang ang itaas at ipagpaliban ng isang linggo ang susunod na price increase ngunit tumagal lamang ng dalawang araw bago muling nagkaroon ng price hike.

Kasalukuyang pumalo naman sa $116.35 kada bariles ang presyo ng Brent crude oil sa internasyunal na pamilihan dahil sa patuloy na kaguluhang nagaganap sa Gitnang Silangan at iba pang oil producing countries tulad ng Libya.

Bagama’t wala pang pormal na abiso, inaasahan naman na susunod din sa naturang pagtataas ang iba pang kompanya ng langis tulad ng Filipinas Shell at Petron Corporation at mga small players.       

Bagama’t patuloy ang pagsirit ng presyo ng langis sa panda­igdigang pamilihan, naniniwala pa rin ang Pinag­kaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na tumatabo nang husto ang mga kompanya sa nangyayaring pagtaas ng presyo ng langis dahil may mga nakaimbak silang produkto na nabili nila sa mababa pang halaga.

Show comments