Tanod 'pinatahimik' ng kapitbahay

MANILA, Philippines - Dahil umano sa mga patutsada at pagmumura, tulu­yang pinatahimik ang isang 58-anyos na ba­rangay tanod ng isang ’di pa kilalang ka-lugar nito na tumakas matapos ang isi­nagawang pamamaril sa Tondo, Maynila, kama­kalawa ng hapon.

Dead-on-the-spot ang biktimang na si Saver­yano Dalde, ng Building 9, Temporary Housing, Tondo, May­nila, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.

Nabatid sa maybahay ng biktimang si Aling Virginia, 58, na maysakit ang kanyang asawa at lumabas lamang ng bahay para sawayin ang anak na napa-trouble sa kapit­bahay.

Wala namang nais mag­turo o magsalitang ka­pit­bahay hinggil sa pag­ka­kakilanlan sa suspect na bumaril sa biktima.

Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon nang ma­ganap ang pama­maril sa biktima sa loob ng temporary housing sa building 19.

Galit na nagmumura at panay umano ang pa­saring ng biktima sa mga kapitbahay matapos uma­lis ang kan­yang anak na may nakasagutang kapit­bahay. Lasing umano ang anak na naawat ng biktima sa pagwawala.

Posible umanong isa sa kapitbahay ng nasawi ang na­irita sa mga bini­tiwang salita ng tanod at habang nasa pasilyo ang biktima ay sinalubong ito ng putok ng baril hanggang sa tuluyang humandusay.

Tikom naman ang bibig ng mga kapitbahay kung sino ang posibleng pumas­lang sa biktima.

Gayun­man, patuloy na nagsa­gawa ng imbestigas­yon ang pulisya hinggil sa na­ganap na insidente.

Show comments