Mga plaka ng sasakyan at mga armas, nasamsam sa 4 na pulis Bulacan

Nakumpiska ng mga elemento ng Quezon City Police ang iba’t ibang uri ng plaka ng sasakyan at sari-saring kalibre ng armas mula sa apat na tauhan ng Bulacan police at tatlong sibilyan sa isang checkpoint sa Common­­wealth Avenue, Quezon City

Sa report ni Senior Supt. Magtanggol B. Gatdula kay QC Mayor Feliciano “SB” Belmonte at NCRPO Director Leopoldo Bataoil, ang mga nahuli na pawang aktibong miyembro ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ay sina PO3 Marjon Sidayen, PO3 Ernesto Janapin, PO1 Allan Caraan at PO1 Jun Caraan at pawang nakatalaga sa Sta. Maria, Police Office, habang ang mga sibilyan ay nakilalang sina Manny Manuel, Francisco Sibayan at Manuel Salenga Jr. pawang residente din ng Sta. Maria, Bulacan.

Sa imbestigasyon , lumalabas na ganap na ala-1:30 kamakalawa ng hapon habang nagmamando ng trapiko ang mga tauhan ng QC Traffic Police sa ka­ habaan ng Commonwealth Avenue sa may Shell gasoline station malapit sa Regalado Avenue sa Fairview, Quezon City, naispatan nila ang kahina-hina­lang kilos ng mga naka­sakay sa berdeng Toyota Revo na may plakang XEA-888.

Matapos maalarma ang pulis trapiko agad na sinita ang mga sakay ng naturang sasakyan. Dito nasamsam ng mga pulis mula sa mga suspek ang apat na iba’t ibang plaka ng mga sasakyan, isang unit ng cal. 9mm, dalawang cal.45 pistol, isang Para Ordnance cal. 40 pistol, isang cal.38 revolver na walang serial number, dalawang handcuffs, pitong cellphones at isang berdeng Toyota Revo (XEA-888). (Angie dela Cruz)

Show comments