Estudyante patay sa kidlat, 1 pa kritikal

Trahedya ang sumalubong sa pagbubukas ng klase para sa dalawang mag-aaral sa Muntinlupa National High School makaraang masawi ang isa sa mga ito, habang kritikal naman ang kaeskuwela nito makaraang tamaan ng kidlat sa loob mismo ng kanilang paaralan kahapon ng hapon sa Muntinlupa City.

Nasawi habang ginagamot sa Muntinlupa Medical Center ang biktimang si Jelyn Vitto, 15, ng Felix St. Phase 2, Katarungan Village, ng nabanggit na lungsod.

Samantala, inoobserbahan naman sa pagamutan ang kaklase nitong si Vanessa Veron, 15, na nasa maselang kalagayan.

Sa imbestigasyon ng Muntinlupa City police, naganap ang insidente dakong ala-1 ng hapon sa likod ng Admin Office ng Muntinlupa National High School na matatagpuan sa New Bilibid Prison (NBP) Compound ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na umulan ng malakas na naging dahilan upang sumilong ang mga ito sa ilalim ng puno ng Narra.

Ngunit kasabay nito ang matalim na pagkidlat at nasentro sa sinilungan ng magkaklase.

Mabilis namang isinugod ng mga kaklase ng naturang paaralan ang dalawa sa nabanggit na pagamutan ngunit binawian nang buhay si Vitto habang ginagamot. (Lordeth Bonilla)

Show comments