Habambuhay na kulong sa 2 holdaper

Dalawang holdaper ang hinatulan ng Manila Regional Trial Court (RTC) ng habambuhay na pagkabilanggo dahil sa pagpatay sa isang sarhento ng pulisya habang nanghoholdap ang mga ito sa isang pampasaherong jeep sa Manila tatlong taon na ang nakakaraan.

Bukod sa habambuhay na pagkabilanggo, pinagbabayad din ni Judge Romulo Lopez ng RTC Branch 18 ang mga akusado na sina Jon Arcan at Apolinarion Ocbina ng P153,000 para sa funeral at burial, samantalang P50,000 para sa pagkamatay ng biktimang si SPO3 Nolie Libuit.

Lumalabas sa record ng korte na naganap ang insidente noong Enero 11, 2000 habang nakasakay ang biktima at ang mga akusado kasama ang isang Leo Masaway sa isang pampasaherong jeep na may plate no. TVA-599 na minamaneho ni Freddie Saguid. Habang binabagtas ng naturang sasakyan ang kahabaan ng Quezon Blvd. sa Quiapo nang bigla na lamang saksakin ng mga akusado ang biktima at saka bumunot ng kalibre 38 baril at saka binaril ito.

Mabilis ding kinuha ng mga akusado ang kalibre 45 baril ng biktima at gold bracelet subalit sa kabila ng tinamong mga tama ng baril at saksak sa katawan ay nakuha pa ring makapagpaputok ng biktima na naging sanhi ng kamatayan ni Masaway samantalang nasugatan din ang isa pang pasahero na si Evelyn Pascual at Alpha Ablao, 10-anyos.

Matapos ang nasabing insidente ay mabilis na tumakas ang mga akusado samantalang dinala naman ng iba pang pasahero ang biktima sa UST Hospital subalit idineklara itong dead-on-arrival.

Kaagad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad at nahuli si Arcan sa panulukan ng Pedro Gil at Taft Avenue samantalang si Ocbina ay nadakip sa Japanese Garden sa Luneta Park ilang araw matapos ang krimen. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments