2 bitay hatol sa rapist na trike driver

Dalawang parusang kamatayan ang inihatol ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) sa isang tricycle driver na gumahasa sa kanyang anak na babae sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City.

Sa 17-pahinang desisyon na ipinalabas ni QCRTC Judge Evelyn Cabochan, ng Branch 98, si Wenceslao Deri, ng Kamias, Quezon City ay napatunayang nagkasala ng dalawang counts ng rape sa kanyang anak na itinago sa pangalang Jovy.

Nabatid na bukod sa death penalty, pinatawan din ito ng habambuhay na pagkabilanggo makaraang taong 1993 pa lamang na noon ay 11-anyos ang biktima ay hinahalay na ito ng kanyang ama. Hindi pa noon ipinatutupad ang parusang kamatayan.

Ayon sa salaysay ng biktima madalas umano siyang pagsamantalahan ng kanyang ama makaraang mag-trabaho sa Taiwan ang kanyang ina.

Binubugbog umano siya ng suspect sa tuwing siya ay tatanggi sa ginagawa nitong pangmomolestiya. Binantaan din siya ng suspect na papatayin kung magsusumbong sa kanyang ina.

Nabunyag lamang ang kahayukan ng ama nang magsabi ang biktima sa kanilang katulong na si Lydia Velez na ito ang nagsumbong sa pulisya.

Pinagbabayad din ng korte ang akusado ng halagang P450,000 bilang moral at exemplary damages para sa biktima. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments