Pulis, 7 pa arestado sa carnapping

Hindi na nakaporma ang isang pulis at pito pang kasamahan nito na pinaniniwalang miyembro ng isang notorious carnapping syndicate na may operasyon sa kalakhang Maynila nang hulihin ito ng Anti-Carnapping Unit ng San Juan City Police.

Kinilala ni P/Insp. Albert Tapulao, hepe ng San Juan City Anti-Carnapping Unit, ang mga suspek na sina PO3 Alberto Santos, 38, nakatalaga sa Northern Police District, Reynaldo Carpe, alyas Bungo, Nonito Cinco, Gabriel Neyra,42, Danilo Tulip, Daniel Tolentino, Gerardo Contenta, Seferino Mallari at Esmiraldo Cagnaan, pawang mga residente ng Brgy. Dagat-dagatan, Caloocan City.

Nahuli ng mga tauhan ni Tapulao, si Santos nang ikanta ito ng kanyang mga kasamahan na kabilang sa kanilang grupo.

Si Carpe ay nahuli ng mga barangay sa kanyang safehouse at dinala sa pulisya matapos itong magtago ng ilang araw.

Sinabi ni Tapulao, nagsumbong ang isang Eduardo Carasco ng Bgy. Sta. Lucia, San Juan City, dahil nawala ang kanyang pampasaherong jeep na may plakang NVX-513 kulay pula noong madaling araw ng Pebrero 9.

Sa intelligence report ng pulisya, sinasabing dinala ang nasabing sasakyan sa Talaba St., Brgy.Dagat-dagatan ,Caloocan City.

Ayon kay Tupalao, bumuo sila ng raiding team para alamin ang nasabing impormasyon.

"Kita namin na kinakatay nila ang jeep kanya-kanya sila ng kuha ng mga spare parts nito,’’ ani Tapulao.

Ayon kay Tapulao, si Carpe umano ang nagdadala sa grupo ng mga carnap vehicle. Ang mga suspek ay nakakulong sa San Juan detention cell matapos sampahan ng kasong carnapping. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments