12 pang miyembro ng 'Martilyo Gang' arestado

Labindalawa pang miyembro ng "Martilyo Gang" na pinaniniwalaang sangkot sa mga nakawan sa Metro Manila partikular na sa mga pawnshop nitong nakalipas na mga araw ang naaresto ng mga tauhan ng pulisya sa isinagawang operasyon sa Taguig noong nakalipas na Biyernes.

Tatlo sa mga naaresto ang positibong kinilala na sangkot sa naganap na pawnshop robbery sa Farmers Plaza sa Cubao, Quezon City noong nakalipas na Mayo 6, ayon kay Superintendent Ronelo Navarro, chief ng Regional Mobile Group ng National Capital Regional Police Office (NCRPO).

Nakilala ang mga nadakip na sina Jonariz Sumandal, 21; Muhammad Manibpel, 41; Muhammad Manipes, 21; Sulaiman Tamian, 36; Satid Lakim, 29; Munib Sonmy, 33; Kinny Lawan, 27; Danny Mudjol, 27; Armando Ebos Latsikan, 27; Muhamad Mangoda, 30; Joeven Upam, 28 at Allan Angas, 27. Ang mga nadakip ay pawang tubong Maguindanao at South Cotabato.

Ang pagdakip sa mga suspect ay isinagawa dakong ala- 1 ng hapon makaraang makatanggap sila ng tip tungkol sa presensiya ng mga suspect na siya ring sangkot sa nakawang naganap sa isang drugstore sa Maharlika Village, Taguig.

Sa isinagawa nilang panloloob sa naturang drugstore noong nakalipas na Mayo 6, binaril at napatay ng mga ito ang manager na nakilalang si Gilbert Cinco at dito nakulimbat nila ang may P.5 milyong halaga.

Agad na tinungo ng kanyang mga tauhan ang naturang lugar na dito nagkaroon pa ng kaunting habulan hanggang sa makorner ng mga awtoridad ang mga suspect.

Sina Upam, Lawan at Mangoda ay positibong itinuro ng mga testigo na siyang sangkot sa pagnanakaw na naganap sa isang pawnshop sa Farmers Cubao na dito naghagis sila ng granada na ikinasugat ng may 20 katao. (Ulat ni Non Alquitran)

Show comments