Kinalasan ng nobya, estudyante nagbaril sa sarili

Matapos umanong kalasan ng nobya, isang 20-anyos na estudyanteng lalaki ang nagbaril sa sarili dahil na rin sa sama ng loob, kamakalawa ng gabi sa Navotas.

Kinilala ni Supt. Ernesto Fojas, hepe ng Malabon police ang nagpakamatay na si Ronnel Mendoza, ng #31-A Langka road, Potrero nasabing bayan.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na naiwang mag-isa sa bahay ang biktima matapos umalis para magsimba ang kanyang mga magulang at kapatid.

Ayon sa amang si Rolando, dakong alas-9 ng gabi sa kanilang pag-uwi ay napuna nilang tahimik ang kabahayan. Nang puntahan nito sa silid ang anak at gisingin sa pag-aakalang natutulog, ay nabigla ito ng makitang duguan at patay na ang anak.

Agad na ipinaalam sa pulisya ang insidente subalit pagdating ng mga kagawad ng Malabon police sa silid ng biktima ay marami nang kaanak ang nag-uusyoso at wala na ang kalibre .45 baril na ginamit ng biktima sa pagpapakamatay na pag-aari ni Rolando.

Ayon pa sa mga magulang ng biktima, maaaring ang pakikipagkalas ng nobya sa biktima ang naging dahilan ng pagpapakamatay nito. Samantala narekober lamang mula sa crime scene ang suicide note na may nakasaad ng "paalam sa inyong lahat."

Inaalam pa kung may foul play at kung sino ang kumuha ng baril. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments