12 babae na biktima ng human trafficking nasagip
MANILA, Philippines — Labindalawang kababaihan na pinaniniwalaang mga biktima ng human trafficking ang nasagip ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD), kamakalawa ng gabi.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na sina Richelle Gumaru, 30, residente ng Opel St. Brgy. West Fairview, QC, may-ari at receptionist ng Mira Spa na matatagpuan sa Reylila Building 47, panulukan ng Mercury St. at Commonwealth Ave, Novaliches, Quezon City at June Boy Segovia, 35, cashier, ng Emerald St. Norma Tatings Dormitory, Brgy. East Fairview, QC.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Redrico Maranan, nakatanggap ng sulat ang QCPD District Special Operation Unit (QCPD-DSOU) mula sa QC Business Permits and Licensing Department hinggil sa umano’y illegal activities ng Mira Spa na nag-aalok ng “extra service” sa mga customer bukod pa sa massage therapy.
Dakong alas-10:20 ng gabi nitong Lunes, ilang pulis ang nagpanggap na customer at inalok din ng “extra service” ng isang babaeng therapist.
Dito na pinasok ng QCPD-DSOU sa pangunguna ni PMaj. Wilfredo Tarran, Jr., QCPD DWCCS sa pamamahala ni PMaj. Reine Balmaceda at ng Social Services Department ng QC LGU ang Mira Spa.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act.
- Latest