J.O ng NBI inireklamo ng harassment, pananakot
LUCENA CITY, Philippines — Inireklamo ng ilang residente sa lungsod na ito ang isang Job Order (J.O) na empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pangha-haras, pananakot at pag-aastang ahente ng kagawaran.
Agad namang nakarating sa kaalaman ni Atty. Jerome Bomediano, hepe ng NBI-Lucena District Office ang isyu at agad na nanawagan sa mga nagrereklamo laban sa J.O. na si alyas “Wolf” na pormal na magsampa ng kaukulang kaso.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Atty. Bomediano na hindi niya kukunsintihin ang ginawa ng kawani at kaagad siyang magpapa-imbestiga at kung mapapatunayang totoo ang akusasyon laban sa J.O ay agad niya itong sisibakin.
Nag-ugat ang reklamo laban kay alyas Wolf nang akusahan umano nito ang tatlong residente ng Barangay Ilayang Dupay na nagpuputol ng ilang puno ng niyog upang gawing coco lumber.
Habang nagpapaliwanag umano ang tatlong residente na hindi sila nagpuputol ng mga puno ng niyog at ang nakitang power saw ay ginagamit nila sa paglilinis ng kanilang matawag na barangay ay doon na umastang maglalabas ng baril si alyas “Wolf” habang nakabalandrang nakasabit sa kanyang leeg ang ID ng NBI.
Ayon pa sa mga nagrereklamo, hindi lang ito ang unang beses na panggigipit ng J.O. May isang barangay kagawad rin umano ang nakaranas ng hindi magandang pagtrato mula rito.
- Latest






















