Army corporal na suspek sa pagpatay sa mag-utol sumuko
COTABATO CITY , Philippines – Matapos ang tatlong araw, sumuko ang isang Army corporal na nakabaril at nakapatay sa dalawang lalaki na magkapatid kabilang ang isang kagawad ng barangay sa Barangay Lower Paatan, Kabacan, Cotabato, nitong Sabado.
Ipinasa na rin ng militar kahapon sa pulisya ang sumukong sundalo na si Cpl. Virgilio Magbiray ng 90th Infantry Battalion.
Si Magbiray ay unang tumakas at nagtago sa hindi batid na lugar matapos nitong mapatay gamit ang kanyang service pistol noong Miyerkules ang magkapatid na sina Bayan Patacpan Maganaka, isang barangay councilor, at kapatid nitong si Ibrahim, barangay bookkeeper. Tinangka ng magkapatid na Maganaka na pakalmahin ang nasabing suspek habang lasing na nagwawala sa gitna ng isang kasiyahan sa piyesta ng Purok Liwliwa sa Lower Paatan sa Kabacan pero imbes na sumunod ay walang habas nitong pinagbabaril ang magkapatid saka tumakas.
Lumutang naman si Magbiray at nag-report sa kanilang headquarters sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur at sumuko sa kanilang battalion commander na si Lt. Col. Loqui Marco, nang malaman niyang nag-utos na ang commander ng Army’s 601st Infantry Brigade na si Brig. Gen. Gremel Brual, at si Brig. Gen. Edgar Catu, ng 6th Infantry Division, na tulungan ang pulisya para sa pagtugis sa kanya.
Si Magbigay ay agad na tinurnover ng kanyang mga superior sa mga opisyal ng Kabacan Municipal Police Station sa Kabacan para sa pagsasampa ng karampatang kasong pagpatay sa magkapatid.
- Latest


















