SSS sinita ng COA sa halos P40-B ‘paper loss’
MANILA, Philippines — Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Social Security System (SSS) dahil umabot sa P39.994 bilyon (o halos P40 bilyon) ang unrealized equity losses (paper loss) nito noong 2025.
Sa taunang ulat ng pagsusuri ng COA sa SSS para sa taong 2005, sinabi ng komisyon na tumaas ang unrealized equity losses ng SSS sa mga pinansyal na ari-arian na naging P39.994 bilyon mula P11.6 bilyon noong 2021.
Ayon sa COA, ito ay “dulot ng kawalan ng pormal na stop-loss thresholds na kailangan sana upang mag-trigger ng mga pagtatama at maprotektahan ang Investment Reserve Fund (IRF).
Bagamat ipinatupad ang SSC Resolution No. 553-s. 2022 at mga framework na nakalinya sa International Social Security Association, naitala pa rin ng SSS ang 245% na pagtalon sa mga pagkalugi.
Ang “paper loss” na nagkakahalaga ng halos P40 bilyon ay kumakatawan din sa malaking 32.93% na pagbawas mula sa orihinal na halaga ng pagbili na P121.467 bilyon.
Gayunpaman, ang portfolio ng SSS ay kumita pa rin ng dividend income at mga nakamit na pakinabang na nagkakahalaga ng P30.132 bilyon mula 2018 hanggang 2025.
Ipinaliwanag naman ng SSS na ang P39.994 bilyong unrealized loss ay isang “non-cash, market-driven accounting adjustment lamang na nagpapakita ng pansamantalang pagbabago sa presyo, at hindi dahil sa maling pamamahala o paglihis sa patakaran.
Tiniyak din ng SSS sa mga miyembro, pensioners at sa publiko na ang kanilang mga kontribusyon ay pinamamahalaan nang may pag-iingat upang maprotektahan ang pondo at matiyak ang patuloy na pagbabayad ng mga benepisyo.
“Ang paper loss ay isang hindi pa aktwal na pagbaba sa halaga ng pamumuhunan sa merkado na hindi pa naman ibinebenta.Walang totoong pera ang nawawala maliban na lang kung ibenta ang ari-arian nang mas mababa sa presyo ng pagkabili nito,” ayon sa SSS.
Idinagdag pa ng SSS na hindi ibig sabihin na nagamit na ang kontribusyon ng mga miyembro o nanganganib ang kanilang pensyon, dahil maaari pa namang makabawi ang mga presyo sa merkado sa paglipas ng panahon.
- Latest

















