Lalaking ikakasal pinatay, sinemento sa imburnal
MANILA, Philippines — Natagpuan na ng mga otoridad ang isang lalaki na matagal nang nawawala na ang naagnas nitong bangkay na halos buto at sinemento sa loob ng isang imburnal sa Sitio Riverside, Barangay Pahina Central, Cebu City, noong Lunes ng hapon.
Sa report ni Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office Operations Chief Ferl John Pacaldo, positibong kinilala ng kaniyang pamilya ang biktima na si Isaac Virgel Viernes, 24-anyos, sa pamamagitan ng suot nitong damit at awang na ngipin na napag-alaman na malapit na itong ikasal sa kanyang nobya.
Ayon kay Pacaldo, nakatanggap sila ng tawag mula sa ilang mga residente hinggil sa masangsang na amoy na nagmumula sa nasabing imburnal sa lugar.
Nang inspeksiyunin ng mga otoridad ang imburnal ay tumambad ang sinementong bangkay ng biktima na naagnas na at may parte ng katawan na litaw na ang mga buto na hindi na halos makilala.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na ang biktima ay pinaslang, binalot sa tela saka sinemento sa 3 metrong lalim ng hukay sa imburnal na tinabunan pa ng uling upang itago ang krimen.
Nabatid pa na ang biktima ay dalawang linggo ng pinaghahanap ng kaniyang pamilya matapos itong mabigong makauwi sa kanilang tahanan noon Oktubre 7 ng taong ito.
Ayon sa kaniyang mga kamag-anak, may nakasamaan ng loob o nakasagutan ang biktima na nakipag-inuman sa kanilang lugar bago mangyari ang krimen at ang nakaalitan nito ang isa sa persons of interest sa kaso.
- Latest


















