Kagawad tepok sa suntok ng senglot
MANILA, Philippines — Isang barangay kagawad ang nasawi matapos suntukin ng nakasalubong na lasing habang nagpapatrulya kasama ang ilang barangay tanod sa Purok-6, Brgy. Sta.Cruz, Casiguran, Sorsogon kahapon ng madaling araw.
Ang biktima na nasawi dahil sa matinding pagkabagok sa ulo nang bumagsak ay kinilalang si Kagawad Lino, 42-anyos.
Mabilis namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang salarin na kinilalang si Joel, nasa hustong gulang at residente ng naturang lugar
Sa ulat, ala-1:30 ng madaling araw ay nagroronda ang kagawad kasama ang dalawang barangay tanod nang masalubong nila ang suspek at dalawang kasama na hinihinalang pawang nakainom ng alak. Tinanong umano ng biktima ang suspek kung may mga umiinom pa sa lugar.
Gayunman, sa hindi malamang dahilan ay biglang sinuntok ng suspek ang kagawad sanhi para bumagsak ito at tumama ang ulo sa semento.
Humingi ng saklolo ang mga kasamang tanod sa mga kasapi ng MDRRMO at agad isinugod ang walang malay na biktima sa Casiguran Rural Health Unit, pero ideneklara itong dead-on-arrival.
- Latest



















