BSKE itinakda sa Nobyembre 13, 2028
MANILA, Philippines — Sa Nobyembre 13, 2028, itinakdan ang susunod na regular na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ito ay matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326.
Sa naturang batas, ipinagpapaliban ang halalan na orihinal sanang gaganapin sa Nobyembre 2, 2026.
Nagtatakda rin ito ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Ibig sabihin, isasagawa na ang regular na BSKE kada limang taon, kada limang taon sa unang Lunes ng Nobyembre.
Hinikayat naman ni Marcos ang mga opisyal na higit na tutukan ang pangangailangan ng mga komunidad, pamilya, at kabataan.
“Hindi ito dagdag na panahon sa puwesto. Dagdag itong panahon ng pananagutan sa taumbayan,” wika ni Marcos.
Ang pagpapaliban ng BSKE ay magreresulta sa pagkalugi ng tinatayang P8 bilyon na nagastos na ng Comelec dahil sa paghahanda rito.
Pero, nilinaw naman ni Comelec Chairman George Garcia na maaari pa rin magamit ang mga materyales para sa BSKE sa mga darating na eleksyon.
- Latest



















