Jaja may ‘unfinished business’ sa Creamline

MANILA, Philippines — Umaasa si middle blocker Jaja Santiago-Minowa na makakabalik siya sa kampo ng Creamline para makuha ang inaasam na korona ng Premier Volleyball League (PVL).
Ngunit kailangan muna niyang maglaro para sa San Francisco Signal sa American professional league League One Volleyball (LOVB) ma magbubukas sa Enero ng 2027.
“Creamline, they’re my family right now. I feel like I have unfinished business with them. So maybe, maybe,” sabi ng 6-foot-5 na si Santiago-Minowa.
Humataw si Santiago-Minowa ng 19 points sa 20-25, 25-20, 21-25, 22-25 kabiguan ng Cool Smashers sa PLDT High Speed Hitters sa kanilang agawan sa bronze medal ng katatapos lamang na 2026 PVL Invitational Conference noong Martes.
Sa nasabing torneo lamang ang kontrata ni Santiago-Minowa para sa Creamline bilang paghahanda sa kanyang pagsalang sa LOVB.
Huling naglaro si Santiago-Minowa sa PVL noong 2021 suot ang uniporme ng Chery Tiggo bago kumampanya sa Japanese league.
“Getting the confidence playing back here, I know that I’m ready, I’m in a good condition,” ani ng 30-anyos na middle blocker. “I think isa ko lang din na madadala is what we got — the challenge, the learnings from the PVL Invitational, and from my teammates.”
Matapos ang kanyang paglalaro sa LOVB ay posibleng bumalik sa bansa ang asawa ni Alas Pilipinas Women coach Taka Minowa para kumpletuhin ang sinasabi niyang ‘unfinished business’ sa Creamline.
- Latest

















