10 armas nasabat sa 3 sasakyan, 3 ‘courier’ tiklo

COTABATO CITY, Philippines — Sampung armas ang nakumpiska ng mga awtoridad mula sa tatlong “courier” lulan ng magkakahiwalay na sasakyan sa isang operasyon sa Barangay Poblacion 5, Midsayap, Cotabato nitong Martes.
Sa ulat ng mga local executives at ng multi-sector Cotabato Provincial Peace and Order Council na pinamumunuan ni Gov. Emmylou Taliño-Mendoza bilang chairperson, kinilala ang tatlong naaresto na sina Surafa Kusain Madidis, Norhanodin Ayob Akmad, at Jason Ali Tayuan na kapwa nahaharap sa kasong illegal possession of firearm.
Natagpuan ng mga pulis at lokal na opisyal sa loob ng tatlong sasakyang minamaneho ng mga suspek ang walong .45 caliber na pistol, dalawang M16 rifle, at kasama ang mga bala. Ang mga sasakyan ay isang Mitsubishi Montero, Toyota Hilux, Nissan Navara pick-up truck na may mga plakang LAP 4074, AOA 1701, at LAB 3557, ayon sa pagkakasunod.
Dagdag ng Police Regional Office 12 at ni Mayor Rolly Sacdalan, hinarang ang tatlong sasakyan sa Brgy. Poblacion 5 sa Midsayap ng pinagsanib na mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG)-12 at Midsayap Municipal Police Station matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y pagdadala nina Madidis, Ayob, at Tayuan ng 10 baril patungo sa isang lugar.
Kinumpiska rin ng mga pulis na nagsagawa ng operasyon ang tatlong sasakyang ginamit nina Madidis, Ayob, at Tayuan.
- Latest


















