Lola patay, 2 apo sugatan sa pagtalon sa nasusunog nilang bahay
MANILA, Philippines – Ibinuwis ng isang 75-anyos na lola ang buhay para sa kanyang dalawang apo nang buhatin niya ito at tumalon para iligtas sa nasusunog nilang bahay kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Ang biktima na nasawi ay kinilalang si Loreta Placer, 75, habang sugatan ang mga apo nitong sina Aania Arellano, 1-anyos at 10-buwang gulang na si Aaron Arellano.
Sa pagsisiyasat bago nangyari ang sunog dakong alas-4:57 ng madaling araw sa bahay ng biktima sa may 48 Ilocos Norte St., Bago Bantay ay nagkasunog sa kusina ng mga biktima sa ground floor matapos sumabog ang kalang ginagamit ng isang Levy Loyola na nagluluto ng mga panindang ulam.
Dahil ang bahay ay gawa sa kahoy madaling kumalat ang apoy hanggang sa ikalawang palapag nito kung saan naman natutulog ang lola at dalawang apo.
Upang makaligtas sa posibleng kapahamakan ay ipinasya ng lola na buhatin ang dalawang apo at bintana at humingi ng tulong hanggang sa umano’y tumalon na ito.
Nakaligtas man sa sunog ay nagtamo ng matinding pinsala sa mukha at katawan ang matanda na nawalan ng malay tao sa pagbagsak hanggang sa ito ay tuluyang masawi habang nagtamo ng mga galos at sugat ang dalawang apo.
Nasunog din ang dalawang katabing bahay sanhi upang umakyat sa ika apat na alarma bago tuluyang ideklara itong fire out dakong alas-5:59 ng umaga.
- Latest




















