Gunman ng Basilan judge, tukoy na

MANILA, Philippines — Nagsilbing susi ang inabandong motorsiklo para matukoy ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ang gunman sa ambush-slay ni Isabela City, Basilan Regional Trial Court (RTC) Branch 2 Judge Joseph Wee Sit na pinagbabaril sa Zamboanga City noong nakalipas na Huwebes.
Ayon kay P/Lt. Col. Shellamie Chang, Spokesperson ng Police Regional Office (PRO) 9 sa isinagawang backtracking sa CCTV footage ay natunton ang inabandonang motorsiklo ng mga salarin sa Brgy. Maasin ng lungsod. Gayunman, hindi muna tinukoy ng opisyal ang pagkakakilanlan ng suspect habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa kaso.
Sinabi ni Chang na ang tatlong suspect ay nasampahan na ng kasong kriminal sa Zamboanga City Prosecutors Office. Dalawa sa mga suspect, isa rito ay nagsilbing driver ng gunman na ikatlong suspect habang isa pa ang nagmaneho naman ng getaway vehicle.
Inihayag ng opisyal na ang gunman at dalawa pang kasamahan nito ay sinampahan ng kasong kriminal matapos naman ang case build up na isinagawa ng Special Investigation Task Group (SITG) base sa mga nakalap na ebidensya at testimonya.
Noong Huwebes, Nobyembre 12, kasalukuyang minamaneho ni Wee Sit ang kaniyang behikulo sa kahabaan ng highway sa Brgy. Tumaga, Zamboanga City nang tambangan ng riding-in- tandem na may kasunod pang get away vehicle sa lugar dakong alas-6 ng umaga.
Si Wee Sit ay bumibiyahe patungo sana sa Isabela City para pumasok sa kaniyang trabaho nang paulanan ng ng bala ng mga armadong salarin na lulan ng kulay puting Yamaha NMax motorcycle kung saan kapwa ang mga ito nakasuot ng jackets at helmet.
Nagtamo si Wee Sit ng anim na tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan na binawian ng buhay habang isinasalba ang buhay sa pagamutan. Nabatid na si Wee-Sit ay may mga hinahawakang high profile na kasong kriminal na isa sa sinisilip na motibo sa krimen. Puspusan naman ang isinasagawang masusing imbestigasyon sa kasong ito upang matukoy ang mastermind at iba pang mga posibleng sangkot sa krimen.
- Latest


















