Duterte, VP Sara may P96 milyong joint account sa BPI – testigo

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng isang opisyal ng Bank of the Philippine Islands (BPI) sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na umabot sa P96 milyon ang halaga ng mga time deposit, manager’s checks at insurance-related transactions sa joint account nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara sa BPI Julia Vargas branch sa Pasig City.
Sa ika-35 araw ng paglilitis, sinabi ni BPI Central Manila Branch Division Chief Marwin Galvez na nagbukas ang mag-ama ng P40.65 milyong time deposit noong Enero 2010, habang may hiwalay pang P55 milyong deposito, na nagdala sa kabuuang halaga sa P96 milyon.
Ayon kay Galvez, ang account ay nakapangalan kina Rodrigo Duterte at Sara Duterte at kapwa sila lumagda sa signature card. Ang P40.65 milyong deposito ay na-renew ng 12 beses at lumago sa P41.72 milyon bago ginamit sa pagpopondo ng mga manager’s check.
Inihayag naman ng prosekusyon na bahagi ng pondo mula sa account ang ginamit para sa insurance products, kabilang ang mahigit P16.85 milyong manager’s check na payable sa negosyanteng si Samuel “Sammy” Uy para sa pagbili ng insurance policy.
Ayon kay prosecutor James Bryan Ibrahim Alih, mahalagang matukoy ang galaw ng mga manager’s check dahil maaaring hindi ito lumitaw sa year-end balances ng account.
Nauna ring inihayag ng prosekusyon na may kabuuang 30 aktibong account sina Duterte at asawang si Atty. Manases Carpio sa walong bangko, na may pinagsamang year-end balances na tinatayang P190 milyon mula 2022 hanggang 2025 na umano’y hindi nakadeklara sa SALN ng Bise Presidente.
- Latest


















