NLEX pinulutan ng Magnolia sa Batangas

MANILA, Philippines — Pinulutan ng Magnolia ang NLEX, 95-81, para sa pagpapatuloy ng PBA On Tour kamakalawa ng gabi sa Batangas City Sports Coliseum.
Kumamada ng 16 puntos si Javi Gomez De Liaño upang trangkuhan ang bigating panalo ng Hotshots na lumamang pa ng hanggang 25 puntos sa unang paghaharap ng matalik na magkaibigang sina LA Tenorio at Jimmy Alapag.
Dating magkaribal sa PBA at magkasangga sa Gilas Pilipinas ang 2 bago mag-krus uli ang landas bilang pinakabagong head coaches na ngayon ng Asia’s first professional league – si Tenorio para sa Hotshots at si Alapag para sa Road Warriors.
Nakauna si Tenorio sa banggaan kahit pa kakarating niya lang sa bansa matapos ang kampanya ng Gilas Pilipinas sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan, kung saan nagsilbi siyang assistant coach para kay Tim Cone.
Nagawa ito ng Hotshots at Tenorio sa tulong nina Mark Barroca at Jerom Lastimosa na may tig-13 puntos habang may 12 puntos din si Ian Sangalang.
Hindi rin ininda ng Magnolia ang kawalan ng import na si KJ Buffen kontra sa Road Warriors na ipinarada ang bagong import na si Deone Burton subalit nagkasya lang sa 11 puntos.
Nasa bansa na rin ang Gilas players na sina Zavier Lucero ng Magnolia at Robert Bolick ng NLEX subalit hindi muna naglaro.
Napurnada ang 17 puntos ni Schonny Winston pati na ang 9 at 7 puntos nina JB Bahio at Anthony Semerad, ayon sa pagkakasunod, para sa mga tropa ni Alapag.
- Latest




















