Dahil inihian ang puno
Dear Dr. Love
Tawagin na lamang ninyo akong Katkat. Nagbakasyon kami ng bf ko sa aming lugar sa Mindanao. Masaya na sana ang aming bakasyon, ngunit may aberyang nangyari.
Habang inililibot kami sa naggaganda-hang mga halaman at puno sa likod ng aming bahay, sinabihan ni lola ang bf ko na huwag niyang babatuhin ang isang matandang puno ng mangga.
Lubos ang kasiyahan namin kasama ang mga tito ko sa kainan at inuman.
Nang malasing na ang bf ko, hindi siya mapakali na hindi niya maihian ang puno ng mangga.
Hayun, kinabukasan inapoy na siya ng lagnat at tinubuan ng mga malalaking bukol na parang pigsa. Makati at lalo pang dumarami ang mga bukol.
Dinala namin siya sa ospital doon at wala silang masabi kung anong uri ng sakit ang dumapo sa bf ko.
Maging ang mga doktor ay hindi makapaniwala na wala silang makitang findings sa mga bukol.
Hindi na rin siya niresetahan dahil baka maging sanhi pa ng pagdami ng bukol ang gamot na ibibigay sa kanya. Tatlong araw din na hindi siya makalad.
Sinabi ni lola na subukan naming mag-alay ng bulaklak sa puno ng mangga. Habang i-naalay raw niya ang mga bulaklak, ibulong niya sa puno na pinagsisisihan niya ang kanyang pagkakamali at kawalan ng galang.
Simula nun unti-unting nawala ang mga bukol, halos dalawang araw din ang lumipas bago tuluyan siyang gumaling.
Dati ay hindi ako naniniwala, pero may mga nilalang pala na hindi natin nakikita, na maaaring magparusa sa ating kawalan ng paggalang sa kalikasan.
Mabuti at gumaling din ang bf ko at nakauwi kami ng matiwasay sa Maynila.
KatKat
Dear Katkat,
Hayan, matigas kasi ang ulo ng bf mo. Hindi niya pinakinggan ang babala ng iyong lola.
Maaaring totoo na may mga nilalang na nagbabantay sa kalikasan.
Kahit ang sensiya ay hindi pa rin maipaliwanag ang misteryong nababalot sa mga elementong nasa ating paligid.
Ang mabuti ay lagi tayong magdasal na maging ligtas sa lahat ng oras. Walang hihigit pa sa kapangyarihan ng Maykapal.
Stay safe and healthy. God bless!
DR. LOVE
- Latest






















