Inamin ang pagkakasala

Dear Dr. Love,

Isang masaganang pangungumusta po sa inyo dyan sa Pilipino Star Ngayon. May tatlong taon na po akong naninilbihan sa aking sentensiya dahil sa kasong pagnanakaw.    

Ang nangyari po ay pinagbintangan ako at dahilan sa kawalan ng kapasidad na maipagtanggol ang sarili ko, dahil na rin sa mga pinagdaanan ko…napilitan akong aminin ang pagkakasala. Sa ginawa ko, umaasa rin po ako na bumaba ang hatol sa akin. Pero nagkamali ako.

Naipaalam ko na po sa aking mga kamag-anak sa Navotas, sa pamamagitan ng sulat ang nangyari sa akin dito sa Cebu…napakahirap po talaga ang malayo sa mga mahal sa buhay.

Dr. Love gusto ko makahanap ng inspirasyon sa buhay at sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan ay makatagpo ng babaeng magmamahal sa akin ng tapat.

Maraming salamat po at hangad ko ang patuloy na paglaganap ng inyong column.

Lubos na umaasa,

Jubert Ebrada

Medium Security Compound

Camp Sampaguita

Muntinlupa City 1776

 

Dear Jubert,

Hindi mo dapat na inamin ang pagkakasalang hindi mo naman ginawa. Gayunman, nariyan na ‘yan. Sikapin mong magpakabuti diyan sa loob para sa tsansang maka-apply ka ng parole.

Huwag kang mawawalan ng tiwala sa Diyos. Manalangin ka tuwina para gabayan ka Niya sa mga gagawin mo.

Sana, matagpuan mo ang mga hanap mong kaibigan.

Dr. Love

Show comments