3 ex-Chief Justices: Voting threshold sa Sara trial, puwedeng baguhin
MANILA, Philippines — Dahil sa isang pambihirang sitwasyon, ang tanong sa voting threshold ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay hindi simpleng usapin ng matematika. Hindi ito basta “24 senators, two-thirds, kaya 16.”
Ano ang pambihirang sitwasyong ito? May mga senador na hindi makadalo at makalahok sa paglilitis. Sina Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta ay nakakulong sa mga kasong plunder. Si Bato Dela Rosa naman ay nagtatago kaugnay ng warrant ng International Criminal Court (ICC). Si Loren Legarda ay nasa extended medical leave sa ibang bansa, sa gitna ng imbestigasyon kaugnay ng posibleng plunder sa solar projects ng kanyang anak.
Nakakatawa. Ang impeachment trial na naglilitis ng diumanong katiwalian ng Bise Presidente ay nababalaho sa isyu ng katiwalian ng ilan sa mga miyembro nito.
Mas malala, baka madagdagan pa ang bilang ng mga makakasuhang senador. Tandaan, marami pang senador ang sangkot sa katiwalian.
Sa ganitong sitwasyon, makatarungan bang awtomatikong isama sa bilang ang mga hindi aktuwal na nakakalahok sa paglilitis?
Mahalaga ang mga legal opinion ng mga dating mahistrado ng Korte Suprema. Sa apat na inimbitahang amici curiae ng Senate impeachment court, tatlo, dating Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno, ang nagsabing maaaring baguhin o iakma ng impeachment court ang computation ng two-thirds upang tumugon sa aktuwal na kalagayan.
Ayon sa kanila, hindi dapat ituring na “fixed and immutable” ang bilang na 16. Ang Konstitusyon ay isang buhay na dokumento na kailangang bigyang-kahulugan ayon sa layunin nito at aktuwal na kalagayan.
Oo nga naman. Bakit isasama sa boto ang mga senador na nakakulong, nagtatago, o wala sa bansa kung hindi naman nila aktuwal na nasasaksihan ang paglilitis?
Mahalaga ang punto ng mga dating Chief Justice. May kapangyarihan ang Senate impeachment court na magpasya kung paano uunawain at ilalapat ang constitutional requirement sa pambihirang sitwasyong ito.
Kaya hindi nakapagtataka ang pagtutol ng mga kampon ni Sara. Ayon kay Alan Peter Cayetano, baka raw magkaroon ng mistrial. Naks! Mas matimbang ba ang opinyon niya kaysa sa tatlong former Chief Justices? Ang totoo, tinututulan nila ito hindi para ipaglaban ang Konstitusyon kundi upang isalba si Sara.
Dapat subaybayan ng taumbayan ang magiging desisyon ng Senate impeachment court. Hindi dapat gawing panangga ang teknikalidad laban sa pananagutan. Ang Konstitusyon ay ginawa upang maglingkod sa bayan, hindi maging butas para hadlangan ang hustisya.
- Latest




















