La Viuda (63)
MATAPOS mawala kay Andres ang bisa ng itim na mahika ng manggagaway na si Mang Teban, nag-alab ang galit at determinasyon sa dibdib niya. Gamit ang lahat ng lakas na natitira sa kanyang katawan, marahas niyang ikiniskis ang makapal na lubid sa matalim na gilid ng kama hanggang sa unti-unting malagot.
Nang makawala ang kanyang mga palad, mabilis niyang kinalag ang gapos sa kanyang mga paa, gumapang palabas sa ilalim ng kama. Paglapit niya sa pinto ay nalaman niyang nakakandado ito mula sa labas. Sinipa niya hanggang sa mawasak ang kahoy na pinto.
Sa ibaba, Nagtatakbuhan ang ilan sa mga tauhan ng hacienda patungo sa bodega upang apulahin ang apoy doon. Sinamantala ni Ernesto ang kaguluhan upang lumapit sa haligi kung saan nakatali sina Kristina at Aling Pacing, ngunit hinarangan ng dalawang tauhan ni Lucio.
Dumating si Doña Presentacion.
“Huwag kang lalapit sa kanila!” sigaw ng donya, nanlilisik ang mga mata habang nakaturo kay Ernesto.
“Oras na para itigil mo na ang kalokohang ito, Mama!” sabi ni Ernesto.
“Lucio! Hulihin mo ang anak ko at itali!”
Ngunit bago pa man makahakbang si Lucio, isang malakas na kalabog ang umalingawngaw mula sa itaas ng hagdanan. Napatingala ang lahat sa gitna ng manipis na usok na pumapasok sa bulwagan.
Nakatayo sa itaas ng grand staircase si Andres. Magulo ang buhok, may bakas ng lubid at pasa sa mga pulso, at kumikislap sa kanyang dibdib ang suot na rosaryo. Wala na ang bakas ng pagiging sunud-sunuran ng itim na mahika. Ang mga mata niya ay punumpuno ng galit at paninindigan habang nakatitig nang diretso kay Doña Presentacion.
“Andres!” umiiyak at puno ng pag-asang sigaw ni Kristina.
Nanlaki ang mga mata ng donya, napaatras nang bahagya sa gitna ng bulwagan habang unti-unting nagliliwanag ang langit sa labas ng mga bintana, ang unang sinag ng umaga ay tuluyan nang sumisikat.
Itutuloy
- Latest
















